Mabilis na sagot: Apat na numero lang ang kailangan mo sa label. Voc: pinakamataas na voltage, para hindi masira ang MPPT. Vmp: voltage habang gumagana, para makapag-charge. Isc: pinakamataas na current, para sa wire at fuse. Imp: current habang gumagana, para sa voltage drop. Ang 620W na panel ay mga 48V Voc at 16A Isc.
Ang halimbawa dito ay galing sa totoong datasheet ng isang 620W na N-type TOPCon panel ng Canadian Solar, at ang mga computation ay galing sa Solar Calculator namin. Lahat ng ibang numero ay may link sa pinanggalingan, nasa Sources sa ibaba.
Sa setup ko: 2 × 625W na panel ang nakakabit sa PowMr 60A MPPT ko. Ang aral ko: generic na MPPT ang una kong binili, at nasira nito ang capacitor ng inverter. Kaya bukod sa Voc at Vmp ng panel, siguraduhing totoong MPPT at tama ang rating ng charge controller.

Sa likod ng bawat solar panel ay may sticker na puno ng numero at English. Mukhang exam sa Physics, pero huwag kang kabahan. Kalahati lang niyan ang talagang gagamitin mo.
Halimbawa ng label ng 620W na solar panel (table)
Ito ang mga numero ng Canadian Solar CS6.2-66TB-620, isang karaniwang 620W na panel ngayon (CSI Solar datasheet). Bifacial ito, kaya harapan lang ng panel ang mga numerong ito. Ang 620W na N-type ang karaniwan na sa Pilipinas, at unti-unti nang napapalitan ang lumang 550W (PrynsTag’s Homelab Wiki):
| Nakasulat sa label | STC | NMOT | Ibig sabihin |
|---|---|---|---|
| Pmax (Maximum Power) | 620W | 469W | Lakas ng panel sa test |
| Voc (Open Circuit Voltage) | 48.4V | 45.8V | Voltage kapag walang nakakabit |
| Vmp (Voltage at Max Power) | 41.2V | 39.0V | Voltage habang todo ang output |
| Isc (Short Circuit Current) | 16.08A | 12.97A | Pinakamataas na current |
| Imp (Current at Max Power) | 15.06A | 12.04A | Current habang todo ang output |
| Temperature coefficient ng Voc | −0.25%/°C | Gaano nagbabago ang voltage bawat degree | |
| Maximum system voltage | 1500V DC | Pinakamataas na voltage ng buong string | |
| Maximum series fuse rating | 35A | Pinakamalaking fuse para sa panel | |
STC: 1,000 W/m² na araw at 25°C na panel. NMOT: 800 W/m², 20°C na hangin at 1 m/s na hangin (CSI Solar datasheet). Sa ibang brand, NOCT ang tawag dito.
Ilang volts ang solar panel?
Depende sa laki. Ang 620W na panel sa table ay 48.4V kapag walang load (Voc), at mga 41V habang gumagana (Vmp). Ang maliit na 100W na panel ay karaniwang mga 22V Voc lang, kaya bagay sa 12V na battery.
Kaya kapag sinukat mo gamit ang multimeter at mas mataas sa Vmp ang lumabas, walang mali. Voc ang nasusukat mo, kasi walang load ang panel habang sinusukat.
Voc: para hindi masira ang MPPT
Kapag naka-series ang mga panel, nagdadagdag ang voltage nila. Ang kabuuang Voc ay hindi dapat lumampas sa max PV voltage ng MPPT.
Ito ang madalas makalimutan: tumataas ang Voc kapag malamig. Sinukat ang label sa 25°C, pero sa madaling-araw na 15°C, mas mataas ito.
Voc (malamig) = Voc × [1 + (coefficient ÷ 100) × (temperatura − 25)]
- Sa 15°C (karaniwang lowland): 48.4 × [1 + (−0.0025 × −10)] = 49.6V
- Sa 5°C (Baguio o highlands): 48.4 × [1 + (−0.0025 × −20)] = 50.8V
Halimbawa sa 150V na MPPT: ang tatlong panel na naka-series ay 148.8V sa 15°C. Pasok sa papel, pero sobrang dikit. Sa Baguio, 152.5V na iyan, lampas na. Kaya nag-iiwan ang calculator namin ng 5% na palugit, at 2 panel lang ang ilalagay nito sa series para sa 150V na MPPT. Ang MPPT mo ay hindi magrereklamo nang malakas. Masisira lang siya nang tahimik.
Vmp: para makapag-charge
Kailangang mas mataas ang voltage ng panel kaysa sa battery para makapag-charge. Pero bumababa ang Vmp kapag mainit.
Sa calculator namin, 70°C ang ginagamit na init ng panel sa bubong sa Pilipinas. Walang Vmp coefficient sa datasheet na ito, kaya −0.33%/°C ang ginagamit naming maingat na tantya. Sa ganoong init, ang 41.2V ay bababa sa mga 35V. Kaya para sa 48V na battery, kailangang naka-series ang ilang panel.
Isc: para sa wire at fuse
Ang wire at fuse ng PV ay kino-compute gamit ang Isc × 1.25 × 1.25 = Isc × 1.56 (GreenLancer, Penn State):
- Ang unang ×1.25 ay para sa sobrang lakas ng araw, minsan lampas sa test.
- Ang pangalawang ×1.25 ay dahil tuloy-tuloy ang current nang ilang oras.
Para sa 16.08A na Isc: 16.08 × 1.56 = 25.1A. Kaya ang wire ay dapat kaya ang 25.1A pataas, at 32A ang DC breaker na lumalabas sa calculator. Pasok pa ito sa 35A na max series fuse ng panel. Para sa laki ng wire, basahin ang tamang wire size para sa solar.
Imp: para sa voltage drop
Ginagamit ang Imp sa pag-compute ng voltage drop, kasi ito ang karaniwang current habang gumagana ang panel. Sa 620W na panel, 15.06A.
STC vs NMOT: bakit hindi 620W ang nakukuha ko?
Ang 620W ay sinukat sa STC: malakas na araw at malamig na panel na 25°C. Sa totoong bubong, mas mainit ang panel at hindi palaging ganoon kalakas ang araw.
Kaya may NMOT (o NOCT) na rating, mas malapit sa totoong buhay. Sa panel na ito, 469W lang sa NMOT, o mga 75% ng 620W (CSI Solar datasheet). Kaya 0.75 ang derating na ginagamit ng calculator namin. Hindi ka dinaya ng seller. Physics lang talaga.
Mga dapat ding tingnan sa label
- Max series fuse: kapag 3 o higit pang string ang naka-parallel, kailangan ng fuse bawat string na hindi lalampas dito.
- Certification: hanapin ang IEC 61215 at IEC 61730. Nakalista ito sa datasheet ng mga kilalang brand, gaya ng panel sa table (CSI Solar datasheet).
- Sukat at bigat: para sa mounting at sa bubong mo. Ang 620W na ito ay 2,382 × 1,134 mm at 33.6 kg.
- Totoong watts: i-multiply ang Vmp × Imp. Sa panel na ito, 41.2 × 15.06 = 620W. Kapag ang “500W” na panel ay 18V × 5A, 90W lang iyan.
Babala: ligtas na pagsukat ng solar panel
- May kuryente ang panel kapag may araw, kahit hindi pa nakakabit. Takpan o i-face down habang nag-wi-wiring.
- Huwag i-short ang panel gamit ang wire para “subukan” ang Isc. Gumamit ng multimeter na may DC amps na sapat ang rating.
- Mataas ang voltage ng ilang panel na naka-series. Sa 2 panel pa lang, halos 100V DC na. Hindi ito kagaya ng 12V na battery. Ipa-check sa licensed electrician bago ikabit.
Mga madalas itanong
Puwede bang pagsamahin ang magkaibang panel?
Hindi inirerekomenda sa iisang string. Kapag magkaiba ang Imp, babagsak ang buong string sa pinakamahina. Kung kailangan, ilagay sa magkaibang MPPT input.
Bakit mas mataas ang voltage sa multimeter kaysa sa Vmp?
Dahil walang load habang sinusukat mo. Voc ang nasusukat mo, hindi Vmp.
Ilang watts ang isang solar panel?
Nakasulat sa label bilang Pmax. Karaniwan sa bahay ang 100W hanggang 620W. Ang 620W na panel sa halimbawa ay 469W sa NMOT, kaya mga 75% ang asahan mo sa mainit na araw.
Ano ang ibig sabihin ng −0.25%/°C?
Bawat 1°C na pagbabago ng init, nagbabago ang Voc nang 0.25%. Mas malamig, mas mataas ang voltage. Mas mainit, mas mababa.
May hawak ka nang panel? Ilagay ang Voc, Vmp, Isc at coefficient sa Solar Calculator at kino-compute nito ang tamang series at parallel, MPPT, wire at fuse, kasama ang malamig na Voc para sa lugar mo.
Sources
- CSI Solar TOPBiHiKu6 CS6.2-66TB 595-620W datasheet: STC at NMOT values, temperature coefficient, max series fuse, sukat, IEC 61215 at IEC 61730
- PrynsTag’s Homelab Wiki: Residential solar components (PH, 2026): 620W N-type bilang karaniwang panel, 550W PERC na napapalitan
- GreenLancer: NEC 690.8 solar conductor sizing: 1.56 × Isc
- Penn State AE 868: Conductor/wire sizing: 156% ng Isc
- DIY Solar Setup PH Solar Calculator: malamig na Voc, 5% na palugit sa MPPT, init ng panel sa bubong at derating


