May affiliate links ang article na ito. Basahin ang aming disclosure.
Mabilis na sagot: Para sa araw-araw na solar, LiFePO4 ang mas sulit. Ayon sa datasheet ng Victron, 2,500 cycles ang LiFePO4 sa 80% DoD, pero 400 hanggang 500 lang ang AGM at Gel. Sa init ng Pilipinas, 4 na taon lang ang AGM. Ang lead-acid ay bagay lang sa backup na bihirang gamitin.
Ang mga numero sa table ay galing sa opisyal na datasheet ng Victron Energy, na gumagawa ng parehong klase ng battery. Ang sukat ng battery ay galing sa Solar Calculator namin. Nasa Sources sa ibaba ang lahat ng link.
Sa setup ko: LiFePO4 ang pinili ko: 2 × 12V 100Ah na naka-series para maging 24V 100Ah. Ang kettle, electric stove at rice cooker ay pinapagana ko habang maaraw, para galing sa panel ang kuryente at hindi maubos ang battery.

Ang battery ang pinakamahal na parte ng solar setup. Sa mga computation namin, mga 55% hanggang 62% ng gastos ay battery na (magkano ang solar setup). Kaya dito, bawal ang “bahala na.”
LiFePO4 vs lead-acid: paghahambing (table)
| LiFePO4 | Lead-acid (AGM / Gel) | |
|---|---|---|
| Cycle life sa 80% DoD | 2,500 cycles | AGM: 400 · Gel: 500 |
| Cycle life sa 50% DoD | — | AGM: 600 · Gel: 750 |
| Round-trip efficiency | 92% | mga 80% |
| Tagal sa 30°C (karaniwang init sa PH) | — | AGM: 4 taon · Gel: 6 taon |
| Bigat | hanggang 70% na mas magaan | 12V 90Ah Gel: 26 kg |
| Charging voltage (12V) | 14.2V | AGM: 14.2V – 14.6V |
| Float (12V) | 13.5V | 13.5V – 13.8V |
| Maintenance | Wala | Kailangang laging ma-full charge |
Galing sa datasheet ng Victron LiFePO4 Smart at AGM at Gel Deep Cycle. Iba-iba ang numero ng bawat brand, kaya basahin pa rin ang datasheet ng bibilhin mo.
Bakit mahalaga ang DoD?
Ang DoD (depth of discharge) ay kung gaano karami ng battery ang ginagamit mo bago mag-charge ulit. Mas malalim ang gamit, mas mabilis maubos ang buhay ng lead-acid.
Kaya sa calculator namin, 50% lang ang ginagamit sa lead-acid at 80% sa LiFePO4. Ang 12V 100Ah na lead-acid ay 600Wh lang ang talagang magagamit. Ang 12.8V 100Ah na LiFePO4 ay mga 1,024Wh, halos doble.
Ilang battery ang kailangan: LiFePO4 vs lead-acid sa calculator
Pareho ang appliances, magkaiba lang ang battery. Heto ang lumabas sa calculator para sa off-grid:
| Setup | LiFePO4 | Lead-acid |
|---|---|---|
| 5 LED, 2 fan, TV, charging (1.6 kWh/araw) | 1 × 12.8V 200Ah | 2 × 12V 200Ah |
| Plus inverter ref at WiFi (3.0 kWh/araw) | 1 × 25.6V 200Ah | 4 × 12V 200Ah |
Doble ang Ah na kailangan ng lead-acid. Doble rin ang bigat na bubuhatin mo, at doble ang puwesto sa sahig. Ang likod mo ay boboto para sa LiFePO4.
Totoong gastos: presyo bawat kWh
Huwag lang tingnan ang presyo ng battery. Tingnan kung magkano ang bawat kWh na maibibigay nito sa buong buhay nito.
| LiFePO4 12.8V 100Ah | AGM 12V 100Ah | |
|---|---|---|
| Magagamit bawat cycle | 1.02 kWh (80%) | 0.6 kWh (50%) |
| Cycles | 2,500 | 600 |
| Kabuuang kWh sa buong buhay | mga 2,560 kWh | 360 kWh |
| Presyo | ₱7,699 (Wattcycle sa Shopee, Nob 2026) | — |
| Gastos bawat kWh | mga ₱3 | — |
Para pumantay ang AGM sa ₱3 bawat kWh, kailangang mga ₱1,100 lang ang 12V 100Ah na AGM (360 kWh × ₱3). Wala pong ganyang presyo. Kaya mas mahal ang lead-acid bawat kWh, kahit mas mura sa resibo. Para may ikumpara: ₱15.06 bawat kWh ang Meralco noong Oktubre 2026 (Context.ph).
Lead-acid sa init ng Pilipinas
Ito ang pinakamalaking dahilan. Ayon sa Victron, bumababa ang buhay ng AGM sa init: 7 hanggang 10 taon sa 20°C, 4 na taon sa 30°C, at 2 taon lang sa 40°C. Ang Gel ay 12, 6 at 3 taon (Victron).
Ang karaniwang bahay sa Pilipinas ay malapit sa 30°C buong taon. Kaya ilagay ang kahit anong battery sa lilim, may hangin, at malayo sa yerong bubong. Hindi sauna ang battery room.
Kailan okay pa rin ang lead-acid?
- Backup lang sa brownout, kung saan bihirang ma-discharge ang battery.
- Napakaliit ng budget at kailangan agad. Pansamantala habang nag-iipon para sa LiFePO4.
- Lumang inverter o charge controller na walang setting para sa lithium.
Kung lead-acid, AGM o Gel ang piliin para sa loob ng bahay, kasi sealed. Ang flooded ay dapat nasa lugar na may hangin.
Ano ang dapat tingnan sa LiFePO4
- BMS at max discharge current. Dapat kaya ang hatak ng inverter. Ang 1,000W na inverter sa 12V ay humahatak ng mga 93A (1,000 ÷ 12 ÷ 0.9).
- Totoong capacity. Maraming peke ang Ah. Bumili sa official store o Mall, at basahin ang reviews na may capacity test.
- Warranty na may lokal na contact.
- Communication (CAN o RS485) para sa hybrid inverter, para “nag-uusap” ang battery at inverter.
- Voltage: 12.8V sa maliit, 25.6V sa katamtaman, 51.2V sa 48V na hybrid. Halimbawa: 12.8V 200Ah, 25.6V 200Ah, 51.2V 100Ah.
Tamang charging settings
Iba ang charging ng dalawa. Mali ang setting, maikli ang buhay ng battery.
| Setting (12V) | LiFePO4 (Victron) | AGM (Victron) |
|---|---|---|
| Absorption | 14.2V (14.0V – 14.4V) | 14.2V – 14.6V |
| Float | 13.5V | 13.5V – 13.8V |
| Equalization | OFF | Ayon sa manual |
| End of discharge | 11.2V | Ayon sa manual |
I-multiply sa 2 para sa 24V, at sa 4 para sa 48V. Ito ang halaga ng Victron. Laging sundin ang manual ng battery na hawak mo.
Babala: ligtas na paggamit ng battery
- Fuse malapit sa battery positive. Napakataas ng short-circuit current ng lithium. Sundin ang laki ng fuse at cable sa calculator.
- Huwag paghaluin ang LiFePO4 at lead-acid, o luma at bagong battery, sa iisang bank.
- Huwag i-charge ang LiFePO4 gamit ang lead-acid setting na may equalization. Masyadong mataas ang voltage.
- May hydrogen gas ang flooded lead-acid habang nagcha-charge. Bawal sa saradong kwarto.
Mga madalas itanong
Puwede bang paghaluin ang LiFePO4 at lead-acid?
Hindi. Iba ang charging voltage at behavior nila. Hiwalay na battery bank lang kung talagang kailangan.
Puwede bang palitan ng LiFePO4 ang lead-acid sa lumang setup?
Oo, basta may “lithium” o “user-defined” na setting ang charge controller at inverter para maitama ang charging voltage.
Ilang taon ang LiFePO4 battery?
Sa Victron, 2,500 cycles sa 80% DoD bago bumaba sa 80% ang capacity. Sa isang cycle bawat araw, mga 7 taon, at mas matagal kung mas mababaw ang gamit.
Ligtas ba ang LiFePO4 sa loob ng bahay?
Isa ito sa pinakaligtas na lithium: magandang thermal stability at mas matibay kapag naabuso, ayon sa Battery University. Pero kailangan pa rin ng tamang fuse, tamang laki ng wire, at BMS.
Bakit mas magaan ang LiFePO4?
Ayon sa Victron, hanggang 70% na mas magaan at mas maliit ito kaysa lead-acid na pareho ang magagamit na kuryente.
Ilang battery ang kailangan mo? Ilagay ang appliances mo sa Solar Calculator at piliin ang LiFePO4 o lead-acid. Kino-compute nito ang Ah, ang fuse at ang cable papunta sa inverter.
Sources
- Victron Energy: 12.8V at 25.6V LiFePO4 Smart datasheet: cycles, efficiency, charging voltage, bigat
- Victron Energy: Gel and AGM batteries datasheet: cycles, tagal sa init, charging voltage, bigat
- Battery University: Types of lithium-ion (BU-205): kaligtasan ng LiFePO4
- Context.ph: Meralco October 2026 rate
- Shopee listings (presyo noong Nobyembre 2026): mga link sa itaas
- DIY Solar Setup PH Solar Calculator: laki ng battery at DoD na ginamit


