Magkano ang Solar Setup sa Pilipinas? Presyo 2026 (DIY at Installed)

Mga solar panel na nakakabit sa yerong bubong

May affiliate links ang article na ito. Basahin ang aming disclosure.

Mabilis na sagot: Sa DIY (walang bayad sa installer), mga ₱37,000 ang maliit na off-grid setup para sa ilaw, fan at TV. Mga ₱59,000 kung may ref at WiFi. Mga ₱124,000 ang hybrid na kaya ang 1HP aircon, at mga ₱247,000 ang pang-buong bahay na may 2 aircon. Hindi pa kasama ang mounting at labor.

Ang sukat ng bawat setup ay galing sa Solar Calculator namin. Ang presyo ay galing sa mga listing sa Shopee noong unang linggo ng Nobyembre 2026. Lahat ng ibang numero ay may link sa pinanggalingan, nasa Sources sa ibaba.

Sa setup ko: Ang off-grid setup ko ay 2 × 625W na panel, 2 × 12V 100Ah na LiFePO4 na naka-series (24V), PowMr 60A MPPT at Suyeego 2,000W pure sine inverter. Ang mahal na aral: generic na MPPT ang una kong binili, at nasira nito ang capacitor ng inverter ko. Kaya huwag tipirin ang MPPT.

Suyeego 2000W pure sine inverter na 24V, katabi ang 125A DC breaker at remote display
Ang Suyeego 2,000W pure sine inverter (24V) at 125A DC breaker ng setup ko. Sa display: 27.1V DC at 223V AC. Larawan: Rex B.

Presyo ng solar setup sa Pilipinas (table)

Heto ang buod ng apat na karaniwang setup. Ang “main parts” ay panel, battery, inverter at MPPT. Ang “protection” ay breakers, fuse, SPD, ground rod, enclosure, MC4 at PV wire.

Setup Konsumo bawat araw Sukat (calculator) Tantyang DIY na presyo
A. Ilaw, 2 fan, TV, charging (off-grid) 1.6 kWh 1 × 620W, 12V 200Ah, 500W inverter mga ₱36,000 – ₱37,000
B. A + inverter ref + WiFi (off-grid) 3.0 kWh 2 × 620W, 24V 200Ah, 24V inverter mga ₱58,000 – ₱60,000
C. 1HP inverter aircon + ref + ilaw (hybrid) 9.2 kWh 5 × 620W, 48V 200Ah, 48V hybrid mga ₱122,000 – ₱126,000
D. 2 × 1.5HP aircon + buong bahay (hybrid) 22.4 kWh 12 × 620W, 2 × 48V 200Ah, 48V hybrid mga ₱242,000 – ₱252,000

Hindi pa kasama: mounting rails at clamps, battery cable at AC wire, labor, at electrical permit. Para sa breakdown ng bawat setup, tuloy lang sa baba.

Magkano ang solar panel sa Pinas?

Ang karaniwang panel ngayon ay 620W na N-type TOPCon, mga ₱5,700 hanggang ₱6,500 bawat isa, ayon sa isang Pinoy solar guide noong 2026 (PrynsTag’s Homelab Wiki). Ito ang presyong ginamit namin sa table. Ang lumang 550W na PERC ay mga ₱4,500 hanggang ₱5,000 pa, pero ayon din sa guide na iyon, unti-unti na itong napapalitan ng N-type.

Mas mahal bawat watt ang maliliit na panel. Sa Shopee, mga ₱2,500 ang 100W bifacial panel at mga ₱4,499 ang 200W dual glass panel. Bagay ang mga ito sa maliit na bubong o sa kubo, hindi sa buong bahay.

Tip mula sa kuya mo: huwag maniwala sa “500W” na panel na kasinlaki lang ng pinto ng ref. Tingnan ang label sa likod. Kung ang Vmp × Imp ay malayo sa 500, hindi iyan 500W.

Setup A: ilaw, electric fan, TV at charging

5 LED bulb, 2 electric fan, 32″ TV at 3 cellphone: mga 1.6 kWh bawat araw ayon sa calculator. Off-grid, 12V system.

Piyesa Halimbawa sa Shopee Presyo
1 × 620W panel (tingnan ang presyo sa itaas) ₱5,700 – ₱6,500
12V 200Ah LiFePO4 PowMr 12.8V 200Ah ₱19,600
12V pure sine inverter Anern 1000W 12V ₱3,507
MPPT 60A pataas ECGSOLAX 60A ₱2,680
Protection + PV wire breakers, fuse, SPD, ground rod, box, MC4 mga ₱4,800

Gusto mo ng mas mura? Magsimula sa 12V 100Ah na battery (mga ₱7,700 sa Wattcycle) at dagdagan na lang sa susunod na sweldo. Mas maikli lang ang tagal ng fan sa gabi.

Setup B: may ref at WiFi na

Setup A plus inverter ref at WiFi na 24 oras: mga 3.0 kWh bawat araw. Dito, 24V na ang pinili ng calculator kasi mas mababa ang current at mas manipis ang wire.

Piyesa Halimbawa sa Shopee Presyo
2 × 620W panel (tingnan ang presyo sa itaas) ₱11,400 – ₱13,000
24V 200Ah LiFePO4 PonyEnergy 25.6V 200Ah ₱33,499
24V inverter na may MPPT na ECGSOLAX 3.6kW 24V ₱8,500
Protection + PV wire breakers, fuse, SPD, ground rod, box, MC4 mga ₱4,800

Ang all-in-one na inverter ay may MPPT na sa loob, kaya hindi na kailangan ng hiwalay na charge controller. Mas kaunting wire, mas kaunting puwedeng magkamali. Para sa detalye ng ref, basahin ang solar setup para sa ref.

Setup C: hybrid na kaya ang 1HP aircon

1HP inverter aircon (8 oras), ref, 6 LED, 2 fan, 55″ TV at WiFi: mga 9.2 kWh bawat araw. Hybrid, kaya may Meralco o co-op pa rin bilang backup.

Piyesa Halimbawa sa Shopee Presyo
5 × 620W panel (3.1 kWp) (tingnan ang presyo sa itaas) ₱28,500 – ₱32,500
48V 200Ah LiFePO4 (2 × 100Ah) PonyEnergy 51.2V 100Ah × 2 ₱74,998
48V hybrid inverter DEMUDA 6.2kW 48V ₱13,368
Protection + PV wire breakers, fuse, SPD, ground rod, box, MC4 mga ₱4,800

1.5kW lang ang minimum na inverter sa calculator para sa load na ito. Pero mga ₱13,000 lang ang 6.2kW na hybrid sa listing na ito, at may puwang ka pa para sa dagdag na aircon balang araw. Para sa sukat ng bawat HP, basahin ang solar setup para sa aircon.

Setup D: buong bahay na may 2 aircon

2 × 1.5HP inverter aircon, non-inverter ref, ilaw, TV, fan at laptop: mga 22.4 kWh bawat araw.

  • 12 × 620W panel (7.4 kWp): ₱68,400 – ₱78,000
  • 2 × 48V 200Ah LiFePO4 (4 × PonyEnergy 51.2V 100Ah): mga ₱150,000
  • 48V hybrid inverter (DEMUDA 6.2kW): ₱13,368
  • Protection, combiner box at PV wire: mga ₱10,400

Pansinin: dito, mahigit kalahati ng gastos ay battery na. Kung kaya mong gamitin ang aircon habang may araw, mas maliit na battery ang kailangan at mas mababa ang presyo.

Saan napupunta ang pera?

Sa apat na setup sa itaas, ang battery ang pinakamalaking gastos: mga 53% sa Setup A at mga 61% sa Setup C at D. Ang panel ay mga 17% hanggang 30%. Ang inverter, MPPT at protection ay maliit na bahagi na lang.

Kaya ang pinakamabisang paraan para makatipid ay bawasan ang konsumo sa gabi. Plantsa, washing machine at aircon: gamitin habang mataas ang araw para diretso sa solar at hindi na sa battery.

DIY vs magpapa-install

Para may ikumpara: sa mga solar loan ng GSIS, mga ₱60 bawat watt ang average na halaga ng installed na system (Ember). Sa 3.1 kWp, mga ₱186,000 iyan, kasama na ang labor.

DIY Installer
Gastos Mas mura May labor, permit at warranty
Warranty Sa produkto lang Produkto + installation
Responsable kapag may mali Ikaw Sila
Bagay sa Maliit na off-grid, may alam sa kuryente Hybrid na nakakabit sa bahay, grid-tie, net metering

Ang ginagawa ng marami: ikaw ang magplano at bibili ng materyales, tapos licensed electrician ang gagawa ng final na koneksyon at inspeksyon. Pinakamura at pinakaligtas na kombinasyon.

Gaano katagal bago mabawi ang gastos?

Ayon sa Ember, bumaba na sa 3.1 taon ang payback ng residential rooftop solar sa Pilipinas noong Mayo 2026, mula 4 na taon noong 2025 (Ember).

Sa calculator namin, gamit ang Meralco rate noong Oktubre 2026 na ₱15.06 bawat kWh (Context.ph):

Setup Matitipid bawat buwan Payback (DIY)
A. Ilaw, fan, TV mga ₱720 mga 4 na taon
B. May ref at WiFi mga ₱1,340 mga 3.7 taon
C. May 1HP aircon mga ₱4,150 mga 2.5 taon
D. Buong bahay mga ₱10,100 mga 2 taon

Ito ang pinakamagandang kaso: lahat ng konsumo ay galing sa solar, walang sira, at hindi pa kasama ang mounting at labor. Sa totoong buhay, magdagdag ng isang taon o higit pa. Pero kahit ganoon, sulit pa rin.

Babala: saan bawal magtipid

  • Battery at inverter: bumili sa Shopee Mall, LazMall o official store. Ang pekeng LiFePO4 ay hindi lang mahina, delikado.
  • Wire, fuse at DC breaker: mura sila kumpara sa gastos ng sunog. Sundin ang laki sa calculator, at basahin ang gabay namin sa tamang wire size.
  • Electrician at permit: kailangan ng electrical permit sa munisipyo o city hall kapag ikakabit sa bahay o sa grid. Ipa-check sa licensed electrician.

Mga madalas itanong

Magkano ang 1kW solar setup?

Ang 2 × 620W (1.24 kWp) na may 24V 200Ah na battery ay mga ₱59,000 DIY, gaya ng Setup B. Mas mura kung grid-tie na walang battery.

Magkano ang solar na kaya ang aircon?

Para sa 1HP inverter aircon na 8 oras, kasama ang ref at ilaw, mga ₱124,000 DIY sa hybrid setup, hindi pa kasama ang mounting at labor.

Ano ang pinakamahal sa solar setup?

Ang battery. Sa mga setup sa itaas, 53% hanggang 61% ng gastos ay napupunta sa LiFePO4 battery.

May hulugan ba ang solar?

Oo. Ang GSIS ay may Ginhawa Solar Energy Loan na 5% ang interes at puwedeng bayaran sa 5 taon, para sa mga miyembro (Ember). May installment din sa Shopee at sa credit card.

Bakit iba-iba ang presyo ng solar sa mga installer?

Iba-iba ang brand ng panel, battery at inverter, ang laki ng battery, at kung kasama ang permit at net metering. Humingi ng listahan ng materyales na may model number sa bawat quote.

Iba ang appliances mo? Ilagay ang mga appliance mo sa Solar Calculator para makita ang eksaktong sukat, listahan ng materyales at mga link sa Shopee na may presyo.

Sources

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top