Ilang Solar Panel para sa 100Ah na Battery? (At Anong Inverter) 2026

Hanay ng mga battery na may pula at asul na terminal

Mabilis na sagot: Para mapuno ang 12V 100Ah na LiFePO4 sa isang maaraw na araw sa Pinas, mga 300W na solar panel at 30A na MPPT. Sa 24V 100Ah, isang 620W na panel. Sa inverter, hanggang mga 1,000W lang sa 12V 100Ah, at mga 2,000W sa 24V 100Ah, kasi 100A ang karaniwang limit ng BMS.

Ang laki ng panel at MPPT ay kinompute ng Solar Calculator namin gamit ang 4.5 na sun hours at 25% na loss. Ang limit ng charge at discharge ay galing sa datasheet ng LiTime, Battle Born at Trojan. Lahat ng source ay nasa ibaba.

Sa setup ko: 24V 100Ah ang battery ko: dalawang 12V 100Ah na LiFePO4 na naka-series. Ayon sa calculator, sapat na ang isang 620W na panel para mapuno ito sa karaniwang araw. Pero 2 × 625W ang nasa bubong ko, at kahit ganoon, kapos pa rin sa sunud-sunod na maulap na araw.

Dalawang 12.8V 100Ah LiFePO4 battery na naka-series, may pulang jumper
Ang dalawang 12V 100Ah na LiFePO4 ko, naka-series para maging 24V 100Ah. Larawan: Rex B.

Table: panel, MPPT at inverter para sa 100Ah na battery

Battery Laman (Wh) Panel para mapuno sa 1 araw MPPT Max na inverter (100A BMS)
12V 100Ah LiFePO4 1,280Wh mga 300W 30A, 100V mga 1,000W
24V 100Ah LiFePO4 2,560Wh 1 × 620W 30A, 100V mga 2,000W
48V 100Ah LiFePO4 5,120Wh 2 × 620W 30A, 150V mga 4,000W
12V 100Ah lead-acid (50% lang ang gamit) 1,200Wh mga 150W hanggang 180W 10A hanggang 15A mga 500W

Paano namin kinompute: 80% ng laman ng LiFePO4 ang ginagamit, ÷ (4.5 sun hours × 0.75 na loss). Sa 12V 100Ah: 1,024Wh ÷ 3.375 ≈ 303W. Ang max na inverter ay voltage × 100A × 90% na efficiency ng inverter, ibinaba sa karaniwang laki. Sa lead-acid, 50% lang ang ginagamit at 10% hanggang 13% ng capacity ang charge current ayon sa Trojan.

100Ah battery, ilang solar panel? Ang simpleng formula

  1. Laman ng battery: voltage × Ah. 12.8V × 100Ah = 1,280Wh.
  2. Gagamitin: 80% sa LiFePO4 (mga 1,024Wh), 50% sa lead-acid.
  3. Hatiin sa sun hours at loss: 4.5 × 0.75 = 3.375. Kaya 1,024 ÷ 3.375 ≈ 303W.

Bakit 4.5 sun hours? Ayon sa DOE, na sumipi sa NREL, mga 4.5 hanggang 5.5 kWh/m² bawat araw ang araw sa Pinas, ayon sa isang sagot ng DOE sa FOI. Ginamit namin ang mababang dulo para may palugit. Ang 0.75 naman ay para sa init, alikabok, wiring at MPPT.

Ang madalas na sagot sa ibang site ay 310W para sa 5 sun hours, gaya ng sa Footprint Hero. Malapit iyan sa amin. Ang pagkakaiba: mas mainit ang bubong natin, kaya mas malaki ang loss.

Gaano kabilis puwedeng i-charge ang 100Ah?

May limit ang battery mismo sa current ng pag-charge:

  • LiTime 12V 100Ah: 20A (0.2C) ang inirerekomenda, 100A ang max, ayon sa manual nito. Sa 20A, mga 5 oras mula ubos hanggang puno.
  • Battle Born BB10012: 0.5C ang inirerekomenda at 50A ang max charge, ayon sa datasheet.
  • Trojan flooded lead-acid: 10% hanggang 13% ng capacity, kaya mga 10A hanggang 13A sa 100Ah, ayon sa Trojan.

Ang 300W na panel sa 12V ay mga 22A na charge (300W ÷ mga 13.5V). Malapit sa 20A ng LiTime, at malayo sa 50A ng Battle Born. Kaya ligtas. Ang 620W na panel sa 12V 100Ah ay mga 46A na: kaya ng Battle Born, pero lampas sa 20A na inirerekomenda ng LiTime.

What size inverter for 100Ah battery?

Ito ang madalas makalimutan. Ang BMS ng karaniwang 12V 100Ah na LiFePO4 ay 100A continuous. Sa Battle Born, 100A continuous at 200A nang 30 segundo.

Ang 1,500W na inverter sa 12V ay humihila ng mga 130A sa full load (1,500W ÷ 12.8V ÷ 0.9). Lampas iyan sa 100A, kaya puwedeng mag-trip ang BMS at mamatay ang lahat. Ang 1,000W ay mga 87A: pasok. Ganito rin ang rule ng Battle Born: hindi bababa sa 100Ah na battery bawat 1,000W ng inverter.

Kaya sa 24V 100Ah, mga 2,000W ang kaya. Iyan mismo ang Suyeego 2,000W ko sa 24V. Para sa buong gabay, basahin ang paano pumili ng inverter.

Sa calculator namin: 100Ah, ilang appliance?

Kapag battery ang inilagay mo sa calculator, tinatantya nito ang konsumo na kaya ng battery bawat araw:

  • 12V 100Ah LiFePO4: mga 0.86 kWh bawat araw. Sapat sa 4 na LED, 2 electric fan at TV.
  • 24V 100Ah LiFePO4: mga 1.73 kWh bawat araw. Puwede na ang inverter na ref.
  • 48V 100Ah LiFePO4: mga 3.46 kWh bawat araw, para sa mas malaking bahay.

Tandaan: ito ay para sa gabi at isang araw na autonomy. Sa sunud-sunod na maulap na araw, kailangan ng dagdag na panel o battery. Gamitin ang mabigat na load habang maaraw; nandito ang paano masulit ang solar.

12V o 24V na 100Ah: alin ang mas sulit?

Kung 1 battery lang, 12V. Kung dalawa, mas mabuting i-series para 24V kaysa i-parallel para 12V 200Ah. Pareho ang laman (2,560Wh), pero kalahati ang current sa 24V. Mas manipis na kable, mas maliit na fuse, at doble ang kayang inverter. Nandito ang paano mag-series ng battery.

Babala: ligtas na pag-charge at paggamit ng 100Ah

  • Laging may charge controller. Huwag ikabit ang 300W na panel nang diretso sa battery. Ma-o-overcharge ito.
  • Fuse malapit sa positive ng battery. Mataas ang short-circuit current ng LiFePO4. Gumamit ng fuse na tama ang rating.
  • Huwag lampasan ang BMS. Ang sobrang laking inverter ay magti-trip ng BMS, o mag-iinit ang kable.
  • Tamang charge voltage: 14.2V hanggang 14.6V sa 12V na LiFePO4. Nandito ang LiFePO4 inverter settings.
  • Huwag mag-charge ng LiFePO4 kapag sobrang init o lamig ng battery; sundin ang temperatura sa manual.

Mga madalas itanong

Kaya ba ng 100W na solar panel ang 100Ah na battery?

Hindi sa isang araw. Ang 100W ay mga 340Wh lang bawat araw sa Pinas pagkatapos ng loss, kaya mga 3 araw para mapuno ang 12V 100Ah na LiFePO4. Sapat lang ito sa maliit na ilaw.

Ilang oras bago mapuno ang 100Ah sa 300W na panel?

Mga isang maaraw na araw (4.5 sun hours). Sa 20A na charge, mga 5 oras mula ubos hanggang puno, ayon sa LiTime.

Puwede ba ang 1,500W na inverter sa 12V 100Ah?

Hindi inirerekomenda. Sa full load, mga 130A ang hihilahin, lampas sa 100A na BMS. Mga 1,000W ang ligtas sa 12V 100Ah.

Ilang solar panel para sa 24V 100Ah?

Isang 620W na panel ang sapat para mapuno ito sa karaniwang araw, ayon sa calculator. Dalawa kung gusto mo ng palugit sa maulap na araw.

Ilang Ah ang lead-acid na kapareho ng 100Ah na LiFePO4?

Mga 160Ah, kasi 50% lang ang dapat gamitin sa lead-acid at 80% sa LiFePO4. Basahin ang LiFePO4 vs lead-acid.

Ilagay ang battery mo sa libreng solar calculator para sa panel at inverter para makita ang eksaktong panel, MPPT at inverter. Kung nagsisimula ka pa lang, basahin ang kumpletong gabay sa DIY solar setup sa bahay.

Sources

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top