Solar Panel Tilt Angle sa Pilipinas: Direksyon, Anggulo at Lilim

Mga solar panel na nakakabit sa tiled na bubong ng bahay, nakasunod sa anggulo ng bubong

Mabilis na sagot: Sa Pilipinas, ang best tilt angle ng solar panel ay mga 10° hanggang 20°, nakaharap sa timog (south). Sa Manila, 16° ang pinakamainam; sa Cebu 10°; sa Davao 7°. Kahit saan sa 10° hanggang 20° na nakaharap sa timog, 1% lang o mas mababa ang nawawala. Ang tunay na kalaban: nakaharap sa hilaga at lilim.

Ang mga numero dito ay galing sa PVGIS ng European Commission, isang libreng tool na gumagamit ng satellite data mula 2005 hanggang 2020. Tinanong namin ito nang direkta para sa bawat lungsod at bawat anggulo. Ang epekto sa laki ng system ay kinompute ng Solar Calculator namin. Lahat ng source ay nasa ibaba.

Sa setup ko: 2 × 625W na panel lang ang gamit ko, at ang pinakamahirap ay ang sunod-sunod na maulap na araw. Kaya mahalaga na walang dagdag na nawawala sa maling harap o lilim.

Dalawang 625W na solar panel sa yerong bubong, nakakabit sa rails at L-foot
Ang 2 × 625W na panel ng off-grid setup ko, sa yerong bubong. Larawan: Rex B.

Table: ani ng solar panel sa Manila bawat anggulo at direksyon

Heto ang ani bawat taon ng 1 kW na panel sa Manila, kumpara sa pinakamagandang posisyon (16°, halos timog). 100% = 1,355 kWh bawat taon.

Tilt Timog (south) Silangan (east) Kanluran (west) Hilaga (north)
0° (flat) 97.1% 97.1% 97.1% 97.1%
10° 99.5% 97.0% 95.5% 92.4%
15° 99.8% 96.3% 94.2% 89.3%
20° 99.6% 95.3% 92.5% 85.6%
30° 97.5% 92.2% 88.5% 76.9%

Basahin mo ang huling column. Ang panel na nakaharap sa hilaga sa 30° ay nawawalan ng halos isang-kapat ng ani. Parang nagbayad ka ng apat na panel pero tatlo lang ang nagtatrabaho. Ang iba? Pasado lahat.

Best solar panel tilt angle in the Philippines, bawat lungsod

Ang lumang rule: tilt = latitude. Sabi rin ito ng SINAG ng UP Diliman. Pero hindi eksakto ang rule, kasi iba-iba ang ulap at ulan bawat lugar. Kaya pinatakbo namin ang PVGIS bawat lungsod:

Lungsod Latitude Best tilt (timog) Ani bawat 1 kW bawat taon
Laoag 18.2°N 20° 1,508 kWh
Baguio 16.4°N 17° 1,408 kWh
Manila 14.6°N 16° 1,353 kWh
Cebu 10.3°N 10° 1,436 kWh
Davao 7.1°N 7° 1,342 kWh
Zamboanga 6.9°N 8° 1,504 kWh

Ang latitude ay galing sa coordinates ng bawat lungsod sa Wikipedia. Tugma ang Manila sa ibang source: profileSOLAR, gamit ang NASA data, ay nagbibigay ng 14° para sa Manila. Malapit sa 16° ng PVGIS.

Pero tingnan mo ang Cebu at Davao: sa 10° hanggang 15° na nakaharap sa timog, 1% o mas mababa lang ang nawawala. Kaya hindi mo kailangang maging perpekto. Hindi ka nagpa-pass ng board exam sa protractor.

Bakit hindi 0° kung halos nasa equator tayo?

Dahil sa ulan at alikabok. Sabi ng installation manual ng Trina Solar, hindi dapat bababa sa 10° ang tilt. Ang panel na flat ay hindi kasing-linis ng panel na 10° pataas, kasi hindi dumadaloy ang ulan. Sabi rin ng LONGi na mas madalas linisin ang panel na maliit ang anggulo.

Kaya kahit Davao ka at 7° ang “best” sa papel, mas praktikal ang 10°. Libreng car wash ang ulan, basta may slope.

Solar panel orientation in the Philippines: saan dapat nakaharap?

Timog (south) ang pinakamaganda, kasi nasa hilaga tayo ng equator. Pero dahil maliit ang tilt sa Pilipinas, mas maliit ang epekto ng direksyon kaysa sa mga bansang malayo sa equator.

  • Timog: best. 99% pataas sa 10° hanggang 20°.
  • Silangan (east): 95% hanggang 97% sa Manila sa 10° hanggang 20°. Mas maganda kaysa kanluran.
  • Kanluran (west): 92% hanggang 96% sa parehong anggulo.
  • Hilaga (north): 86% hanggang 92%. Iwasan kung kaya, lalo na sa matarik na bubong.

Bakit mas maganda ang silangan kaysa kanluran? Sa PVGIS, ganito ang lumabas sa Manila, Cebu at Davao. Ang hinala namin: mas madalas ang ulap at kulog tuwing hapon sa tag-ulan. Pero hinala lang iyan, hindi namin napatunayan.

Gable roof na may isang side sa silangan at isa sa kanluran? Puwedeng hatiin ang panel sa dalawang side, basta magkahiwalay na string. Sabi ng LONGi, dapat pareho ang direksyon at tilt ng mga panel sa iisang string. Kaya kailangan ng inverter na may dalawang MPPT, o dalawang charge controller.

Sa yerong bubong: flush mount o naka-tilt na frame?

Kadalasan, flush mount na lang. Ayon sa gabay ng IFRC sa yerong bubong, na ginawa mula sa field work sa Pilipinas, 15° hanggang 30° ang pinaka-efficient na slope ng gable at hipped roof, at 5° hanggang 15° sa single-pitch.

Ibig sabihin, ang karaniwang bubong ay nasa sweet spot na. Kung timog o silangan ang harap nito, idikit mo na lang ang panel sa bubong gamit ang rails. Mas mura, mas kaunting butas, at mas matibay sa bagyo kaysa sa mataas na frame.

  • Mag-iwan ng puwang. Sabi ng LONGi, hindi bababa sa 10 cm ang puwang sa pagitan ng panel at bubong para sa hangin. Mainit ang yero. Mas mainit na panel, mas mababa ang ani.
  • Tilt frame lang kung kailangan. Halimbawa, flat na concrete roof deck, o bubong na nakaharap sa hilaga at matarik.
  • Bubong na nakaharap sa hilaga? Sa 15°, mga 89% pa rin. Minsan mas mura ang magdagdag ng isang panel kaysa gumawa ng frame. Tingnan ang calculator section sa ibaba.

Solar panel shading effect: bakit malaki ang epekto ng maliit na lilim

Ang maliit na lilim ay puwedeng magpabagsak ng malaking bahagi ng ani. Ang solar panel ay gawa sa mga cell na naka-series. Sa series, ang pinakamahinang cell ang nagdidikta ng current ng buong grupo.

Sa isang pag-aaral na inilathala noong 2022, ang paglilim sa 29.6% ng isang cell ay nagpababa ng current nang 57.6%, ayon sa ScienceDaily. Mas malaki ang bagsak kaysa sa laki ng lilim. Uminit din ang mga cell na may lilim.

Dito pumapasok ang bypass diode. Ayon sa LONGi, ang bypass diode ay nakakabit sa isang grupo ng cells, at dinadaan ang current palibot sa grupong may problema. Kaya hindi patay ang buong panel, isang bahagi lang. Ang karaniwang panel ay may 3 bypass diode, at ang mga “shade-tolerant” ay 4 pataas, ayon sa ulat ng IEA-PVPS.

Karaniwang salarin sa bahay: puno ng mangga, poste at kable ng kuryente, tangke ng tubig, antenna, at ang bahay ng kapitbahay na nagdagdag ng ikalawang palapag. Tingnan ang bubong mo nang 9 AM, tanghali at 3 PM bago magkabit.

Solar panel shading: series vs parallel, alin ang mas okay?

Depende sa lilim. Walang iisang sagot dito, kaya heto ang tapat na bersyon:

  • Series: iisang current ang dumadaan sa lahat ng panel. Kapag may lilim ang isang panel, gagana ang bypass diode nito, at bababa ang voltage ng string. Ang MPPT ang hahanap ng bagong best na operating point.
  • Parallel: bawat panel ay may sariling current. Kapag may lilim ang isa, hindi gaanong apektado ang iba. Pero mas mababa ang voltage at mas malaki ang current, kaya mas makapal ang wire.
  • Magkahiwalay na MPPT: kung ang ilang panel ay may lilim tuwing hapon at ang iba ay wala, ilagay sila sa magkaibang string at magkaibang MPPT.

Para sa mahinang lilim, sapat na ang ordinaryong string inverter. Ayon sa IEA-PVPS, string inverter ang may pinakamataas na ani kapag mahina hanggang katamtaman ang lilim. Ang optimizer o microinverter ay sulit lang kapag mabigat at madalas ang lilim. Ang pinakamurang solusyon pa rin: ilipat ang panel, o putulin ang sanga (kung sa iyo ang puno, ha).

Sa flat na roof deck: gaano kalayo ang pagitan ng hanay?

Kung naka-tilt frame ang panel sa flat na roof deck, maglalagay ng anino ang isang hanay sa kasunod. Kinompute namin ito gamit ang posisyon ng araw sa Disyembre, ang pinakamababang araw sa taon, mula 9 AM hanggang 3 PM.

  • Manila: pagitan = mga 1.04 × taas ng likod ng panel.
  • Cebu: mga 0.89 × taas.
  • Davao: mga 0.80 × taas.

Halimbawa: ang panel na 2.28 m ang haba, naka-portrait sa 15°, ay mga 0.59 m ang taas sa likod. Sa Manila, mga 0.6 m na pagitan ang kailangan. Ang formula: taas × cos(azimuth ng araw) ÷ tan(taas ng araw). Kung hindi ka mahilig sa trigonometry, sundin na lang ang numero sa itaas.

Sa calculator namin: ilang panel ang dagdag kapag mali ang harap?

Pinatakbo namin sa Solar Calculator ang hybrid na bahay na may 1HP inverter aircon (10.28 kWh bawat araw, galing sa gabay namin sa pag-compute ng kWh). Binabaan namin ang 4.5 sun hours ayon sa loss sa PVGIS table ng Manila:

Harap at tilt Epektibong sun hours Kailangang watts Panels (620W)
Timog, 15° 4.49 3,391W 6
Flat, 0° 4.37 3,486W 6
Silangan, 15° 4.33 3,515W 6
Kanluran, 20° 4.16 3,658W 6
Hilaga, 15° 4.02 3,789W 7
Hilaga, 20° 3.85 3,954W 7
Hilaga, 30° 3.46 4,400W 8

Ang aral: sa timog, silangan, kanluran o flat, pareho ang bilang ng panel. Sa hilaga, isa hanggang dalawang panel ang dagdag. Kaya bago ka gumastos sa tilt frame, ikumpara mo muna sa presyo ng isa pang panel. Nasa gabay namin sa presyo ng solar setup ang presyo ng panel.

Babala: ligtas na pagkabit at pagsukat sa bubong

  • Huwag umakyat nang mag-isa. Gumamit ng harness at matibay na hagdan. Madulas ang yero kapag basa o maalikabok.
  • Tamang mounting para sa bagyo. Mas mataas na frame, mas malakas ang hila ng hangin. Sundin ang clamp zones at bilang ng clamp sa manual ng panel, at ikabit sa purlin, hindi lang sa yero.
  • Selyuhan ang bawat butas. Bawat turnilyo sa bubong ay posibleng tulo. Gumamit ng EPDM washer at sealant.
  • Mainit at may kuryente ang panel. Kahit naka-off ang breaker, may voltage ang panel kapag may araw. Takpan muna o mag-ingat sa connector.
  • Ipa-check sa licensed electrician (RME o PEE) ang wiring, at sa engineer kung luma o kahina-hinala ang bubong.

Mga madalas itanong

Ano ang best tilt angle ng solar panel sa Pilipinas?

Mga 10° hanggang 20°, nakaharap sa timog. Sa Manila, 16° ang lumabas sa PVGIS; sa Cebu 10°; sa Davao 7°. Huwag bababa sa 10° para malinis ng ulan ang panel.

Puwede bang nakaharap sa silangan o kanluran ang panel?

Puwede. Sa Manila, 95% hanggang 97% pa rin ang ani ng silangan sa 10° hanggang 20°, at 92% hanggang 96% ang kanluran. Sa calculator namin, hindi ito nagdagdag ng panel sa karaniwang bahay na may aircon.

Okay lang ba ang panel na nakaharap sa hilaga?

Gagana, pero mas mababa ang ani: mga 89% sa 15° at 77% sa 30° sa Manila. Kung hilaga lang ang mayroon ka, mas mababang tilt ang mas mabuti, o magdagdag ng isa o dalawang panel.

Kailangan ko bang i-adjust ang tilt bawat season?

Hindi sa karamihan ng bahay. Dahil 1% lang o mas mababa ang nawawala sa 10° hanggang 20°, mas sulit ang fixed na mount. Sabi rin ng SINAG ng UP na sapat na ang fixed mount at hindi sulit ang tracking.

Gaano kalaking lilim ang problema na?

Kahit maliit. Sa isang pag-aaral, ang lilim sa halos 30% ng isang cell ay nagpababa ng current nang mga 58%. Kaya iwasan ang lilim mula 9 AM hanggang 3 PM, ang oras na pinakamalakas ang araw.

Alamin kung ilang panel ang kailangan ng bahay mo gamit ang libreng solar calculator na may sun hours bawat rehiyon. Kung nagsisimula ka pa lang, basahin ang kumpletong gabay sa DIY solar setup sa bahay.

Sources

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top